Sabado, Pebrero 11, 2017

Ang Pangarap ni Charo Paru at ang Makulay na Kasuutan Ni: Kenneth G. Dela Rosa

Ni:     Kenneth  G.  Dela  Rosa
                         Noong   unang  panahon  sa  kaharian  ng  Alibalisingsing  may  isang  kakaibang  puno  ng narra  kung  saan  nakatira  ang  tatlong  magkakaibigang  Bonyok  Manok,  Numsilak  Peacock,  At Charo Paru. Lahat  sila`y  kilalang-kilalang  sa pagpapalaki  ng  malawak  na  rantso  ng  mga  halamang  herbal at  mga  samu`t  saring  bulaklak.

                   Wala  pang  kulay  ang  balahibo  ng  mga  peacock  noon, ang  paru-paro  ay  hindi pa nakakalipad at tanging paa  lamang  ang  kanyang  ginagamit  sa  pagtatrabaho  sa  rantso,  ang  manok  nama`y  hindi  pa  nakakatilaok  at  ang  alam lang  nito  ay  ang  pagkanta ng malakas kapag nagtatrabaho.

                 Minsang  nangarap  si  Charo  Paru na  magkaroon  ng  pakpak  upang  mapabilis  ang  kaniyang  pagbubungkal  ng  lupa  at  pagdidilig  ng  mga  tanim, gusto  din  nitong  maangkin  ang  makulay  na  damit  ng Reyna  Maria  Linasya  para  maipasikat  niya  sa  mga  tao  at  mga  hayop “ Ano  ba ang  pangarap  nyong  dalawa? “  Ang tanong ni Charo Paru sa  dalawang kaibigan  habang  sila`y  nagtatanim  ng  oregano  at  lagundi.

                 “ Ang  magtanim  ng  mga  halamang  gagagamitin  sa  panggamot  sa  may karamdaman  nating  mamamayan” ang  masayang  sabi  ni  Bonyok  Manok  kay  Charo Paru.

                “Ayos  na  ako  sa  ganitong  buhay  kaibigan.”  dagdag  ni  Bonyok Manok.

               “ Eh!  Ikaw  kaibigang  Numsilak  Peacock,  mukhang  ang  tahimik mo  `ata  diyan?”  Ang  tanong  ni  Charo.

                “ Sapat  na  ako  ditong  nagbubungkal  at  nagdidilig  ng  halaman Charo  Paru,  higit  na  masisiyahan  ako  kapag  lumaki  ang  itinanim  ko  at  magamit  ang  mga  herbal  na  halaman  para  sa  maysakit.”  Saad  ni  Numsilak  Peacock  na  patuloy  sa  pagbungkal  ng  lupa.

                 “  Basta  ako!  Gusto  kong  maging  sikat, gusto  kong  libutin  ang mundo,  ang  mapagkalooban  ng   mga  malalapad  na  pakpak  upang  ilipad ako  sa  langit.  Gustong-gusto  kong  ikabit  ang  lahat  ng  bulaklak  sa  aking  katawan  at  tiyak  kong  hahangaan  ako  ng  mga  tao  at  hayop  sa  buong  sansinukob.”  Ang  sabi  ni  Charo  Paru  na  tila  bilib  na  bilib  sa sarili.

              Natahimik  ang  dalawa  sa  sinabi  ni  Charo  Paru. Iba  kasi  ang turo  ng  mga  magulang   ni  Numsilak  Peacock  at  Bonyok  na  hindi  kasikatan  ang  hahangaan  ng  mga  tao  kundi  ang  kabutihan  na ginagawa  ng  isang  tao.

             “ Basta  ako  Charo,  masaya  na  akong  nagtatanim  dito  sa  ating rantso ”  Ang  nakangiting  sabi  ni  Bonyok.
                “ Ganun din ako Charo, mahal ko ang rantsong ito.” Ang maang na sagot  ni Numsilak.

                 Napabuntong  hininga  si  Charo,  inis  na  inis  siya   sa  mga kaibigan  “ Bakit  ayaw  ba  nilang  mangarap  na  kagaya  sa  akin?  Ang lumipad  sa  iba`t  ibang  dako  ng  daigdig.  Ang  tingalain  ng  mga  tao  at mga  hayop”  Ang  sabi  nito  sa  sarili  habang  nagmamasid  sa  mga bulaklak.

                  Araw-araw  ay  laging  nagdadamit  si  Charo  ng  makukulay  na damit   at  idinikit  niya  ang  mga  bulaklak  sa  tela  nito.  May  gumamela, rosas,  sunflower,  at marami  pang  iba . “ Dapat sa lahat ng sulok ng damit ay mayroong bulaklak.” Ang saad ni Bonyok sa isip. Ibabandera kasi niya iyon sa buong kaharian at tinitiyak niya sa sarili  na iyon ang ikasisiya ng mga  tao at mga hayop .Maraming mga tao at  mga hayop  ang dumarating upang makita ang taglay niyang kagandahan sa suot nitong bulaklakin. Hindi kumukurap ang mga tao katititig sa damit ni Charo na may palamuting bulaklak.

              “ Ang ganda-ganda talaga ni Charo!” Ang tilian ng mga puting kabayo.
              “ Sana ikaw nalang ang nanay namin!” Ang sigaw ng mga biik.
              “ Ibang-iba ka talaga sa lahat Charo.” Ang sabi ng mga ibon.
             “ Charo! Charo! Charo! Charo!” Ang pagbubunyi ng mga tao kay Charo Paru.

               Isang araw magkakaroon ng paligsahan para sa nalalapit na pagdiriwang sa kaharian ng Alibalisingsing. Bibigyan ng karangalang ginto medalya, salapi, at ang makulay na kasuotan ng reyna kapag naabot ang puting tela sa madulas kawayang mayroong isang daang talampakan ang taas.

                Tanghali noon nang si Charo ay nagpasyang pumunta sa palengke. Bibili siya ng mga buto ng sunflower at ilang pananim sa rantso ng mapansin niya ang nakapaskil na anunsyo ng reyna. Ito`y patungkol sa paligsahan. Pinagmasdan niya itong mabuti.

                “ Aba Inang! May paligsahan pala ang Reyna Linasya. Gusto ko ding sumali diyan!”  Ang sabi ni Charo.
                 “ Oo naman, lahat  dito sa kaharian ay pwedeng-pwede  lumahok sa paligsahan.” Ang sagot ng tindera.
                 “ Kayo po? Nais nyo bang sumali? Ang alok ni Charo sa tindera. Napatawa ito ng malakas “ Ano ka ba naman Charo, matanda na ako at paakyatin pa ng mataas na kawayan, mapilayan pa ako” Ang sagot ng Tindera
                 Nagkibit-balikat nalang si Charo sa mga iminungkahi ng tindera. Dali-dali siyang umuwi para ilahad ang nabasa niyang anunsyo ng Reyna Linasya.
                  “ Hindi ko na hangad iyang damit Charo.” Sabi ni Numsilak.
                  “ Kuntento na ako dito” dagdag pa ni Bonyok habang nakahiga sa duyan.
                  Ilang araw ding nagtiyaga para mapapayag niya ang mga kaibigan para lumahok sa patimpalak. Nais kasi ni Charo Paru na sumali si Bonyok Manok dahil ito lamang ang nakakalipad sa kanila, ang tanging pag-asa niya para maukha ang makulay na kasuotan.

                  “ Sige sasali na kaming dalawa ni Numsilak.” Sambit ni Bonyok, alam kasi nitong magtatampo ang kaibigan kapag hindi napagbigyan ang hiling nito.

                 “Tiyak kong matatalo din ako sa paligsahan, sigurado kong si Bonyok ang makakakuha noon. Ibibigay niya iyon sa akin kapag hiniling ko.” Ang bulong ni Charo sa sarili. Unti-unti ng lumalalim ang gabi ngunit hindi makatulog si Charo sa kakaisip sa makulay na kasuotan ng reyna.

                “ Akin lamang iyon! Akin! Akin!” Ang napangiting sabi ni Charo na tila hindi pa dinadalaw ng antok sa kanyang higaan.

               Magbubukang-liwayway ng gumising si Charo, handang-handa na siya para sa makulay na kasuotan. Maaga pa ay naroon na sa palasyo ang tatlong magkakaibigan matiyaga silang nag-antay sa iba pang mga kalahok at mga manood. Maya-maya`y isa-isa nang dumarating ang mga katunggali na sila Beyang Chetaah, Browny Aso,  Nikulas Ahas, Balumbang Langgam, at Impong Ipis.

               Tumunog ang batingaw na gong, hudyat na iyon sa pagsisimula ng patimpalak, halos hindi mahulugang-krayom ang dami ng mga taong gustong mapanood ang pag-akyat sa madulas na kawayan. Isa-isa ng pumusisyon ang manlalaro sa tapat ng kawayan.

               “ Ihanda nyo na ang inyong mga sarili.” Sambit ng pinunong kawal ng palasyo.
              “ Isa… dalawa….. tatlo… Gooo” Ang malakas na sigaw ng pinunong kawal na sinabayan ng pagpalo sa malaking gong. Mabilis ang tibok ng puso ng bawat isa ngunit itong si Charo Paru ay nasisiyahan sa mangyayari sa paligsahan.
              Agad na kumapit si Beyang Chetaah sa kawayan, buong lakas at bilis siya sa pagtakbo ngunit ang nangyayari ay bumbagsak lamang siya sa lupa. Sinubukan nyang muli ngunit bumabagsak pa rin siya.
             “ Booog.” Ang pagbagsak ni Browny Aso. Nang makita ni Numsilak na maraming nahuhulog ay natakot siya kung kaya`t nagdesisyon na lamang siya na huwag ng umaakyat sa halip ay panoorin nalang niya and dalawang kaibigan.
             Nasa ikalimangpu`t dalawang talampakan na si Impong Ipis at Balumbang Langgam nang `di sinasadyang umihip ang malakas na hangin, natangay sila pa ibaba, at isa muling malakas na “ Boooog! “  “Booog!” ang narinig ng mga tao.Sabay-sabay bumagsak ang ipis at langgam sa lupa. Dadalhin sana sila sa malapit na paggamutan ngunit idineklarang patay sina Impong Ipis at Balumbang Langgam.
                 “ Hindi ako natatakot! makuha ko lamang ang telang puti na iyan, mapapasa akin ang makulay na kasuotan ng reyna. Ha! ha! ha! ha!” Ang malakas na sigaw ni Charo Paru  sa itaas ng kawayan.

                “Sige Charo! Sige! Huwag kang susuko.” Ang malalakas na sigawan ng mga tao na sumusuporta sa kanya.
 
              Nasa ika tatlumpu`t isang talampakan na si Charo Paru ng makaramdam siya ng pananakit ng tuhod at kalamnan, naririnig pa rin niya ang sigaw ng mga tao. Sumasakit na rin ang kaniyang tiyan dahil sa patuloy na pagdausdos pataas sa madulas na kawayan.
             Ilang Segundo pa ay “ Boooooog” isang muling malakas na lagabog sa lupa . bumagsak si Charo Paru na napapangiwi ito sa sakit na nararamdaman, tila hindi siya makahinga at walang boses na lumalabas sa bibig niya, nakatulala lamang ang mga tao at mga hayop sa kanilang nakita dahil ang kanilang iniidolo ay bumagsak sa lupa.
          “ Aray ko po!” Ang nakakapangilabot na sigaw ni Charo, dali-daling tumakbo si Numsilak Peacock patungo kay Charo upang lapatan ng lunas ang nabaling-braso  at mga sugat nito
            “ La! Lalalalala! La lalala! “ Ang isang napalakas na awit ni Bonyok Manok habang nakatayo sa maliit na sangang-kahoy, nabaling ang tingin ng mga tao kay Bonyok Manok, ipinagaspas niya ang knyang pakpak na nag-aatubiling lumipad patungo sa puting tela, tumingala siya sa himpapawid na waring `di alintana ang mangyayari. Napipilitan man siya ay gagawin niya iyon para sa kaibigan. Ilang saglit pa`y lumipad paitaas si Bonyok Manok at lumampas pa sa mataas na kawayan, umabot ito sa ulap na tila tuldok nalang kapag titingnan ng mga tao at mga hayop sa ibaba.
         “ Tingnan ninyo oh! Hindi na mkita si Bonyok. Kahanga-hanga si Bonyok! Papaano siyang makakapunta doon? napakalakas ng hangin sa itaas, kahit ang guryon ko ay nasisira sa lakas ng hangin!.” Ang bulong ng isang mangangasong lalaki.
            “ Panalo na si Bonyok! Panalo na!” ang sigawan ng mga manonood.
          “ Mabuhay si Bonyok! Sigaw ng mga hayop.
          “ Mabuhay!”     Ang sigaw muli ng mga tao. Maging ang reyna at ilang kawal ay napabilib sa ipinakitang husay ni Bonyok Manok.
            Nagwagi si Bonyok Manok. Ipinasuot sa kaniya ng Reyna Linasya ang pinakamakulay at pinakamahal na kasuotan sa daigdig na matagal nang inaasam ni Charo Paru. Ibinigay din ng reyna ang mga salaping premyo sa pagkapanalo ni Bonyok, pinagawaan pa siya ng monumento bilang pagkilala sa kanyang katapangan sa ere.
             Tuwang-tuwa si Numsilak Peacock sa pagkakapanalo ng kaibigang manok ngunit tila may lihim na naman na sama ng loob si Charo Paru dahil sa tanyag na ito sa kaharian ng Alibalisingsing ay nakakalipad pa “ Darating din ang araw na magkakaroon ako ng pakpak.” Ang bulong sa sarili. Ilang araw pa ay nagkasakit nang malubha si Charo Paru naging matamlay ito, at kapag nakikita niya ang kasuotan ng reyna ay naghihilakbot ang kaniyang puso. Hindi din nito pinapansin ang dalawang kaibigan.
             Pinasyahan ni Bonyok Manok na ipagkaloob ang makulay na kasuotan sa kaibigan dahil ito lamang ang pinagmulan ng pagkakasakit ng kaibigan si Charo Paru, ngunit kailangan munang ipaalam niya ito sa Reyna Linasya.
         “ Magandang araw sa inyo mahal na reyna!” Ang sabay-sabay na bati ng magkakaibigan.
        “ Ano ang sadya ninyo dito sa aking kaharian? “ Ang nagtatakang tanong ng reyna.
        “ Nais ko po sanang sabihin sa inyo mahal na reyna na ibibigay ko po itong makulay na kasuotan sa aking kaibigang si Charo Paru.” Ang sagot ni Bonyok Manok.
         “Hindi iyon maaari Bonyok,ikaw ang nagwagi sa patimpalak sa pag-akyat sa madulas na kawayan. Hindi Ba? “ Ang sabi ng reyna.
          “ Ikamamatay po kasi ng aking kaibigan kapag hindi iyon maging kanya.” Ang sambit ni Bonyok Manok. Pinagmasdang mabuti ng Reyna ang mukha ni Charo Paru na matamlay ang mukha at nakatulala lamang sa iisang lugar.
           “ Isa kang mabuting kaibigan Bonyok Manok. “ Ang natutuwang sabi ng reyna.
            Ipinasuot ng reyna kay Charo ang makulay na kasuotan, hiniling din nito na gawin na lamang pakpak iyon para siya ay makalipad at mapabilis ang pagtatrabaho sa malawak na rantso. Hindi nagdalawang isip ang Reyna Linasya na ipagkaloob ang hiling nito. Muling bumalik ang sigla ni Charo Paru, mabilis niyang natatapos ang mga gawain sa rantso, ikinatuwa naman ito ng dalawang kaibigan.  
           Kinabukasan nagpasya si Chato Paru na umalis ng walang paalam , lilibutin niya lahat ng gusot niyang marating. Tumingala siya sa ulap, ibinuka ang makulay na  pakpak at lumipad ng mataas sa kalawakan. Iniikot niya ang paningin , nakita niya ang maniningning na tala at mga planeta. Lumipad muli siya upang marating ang bituin.
             “ Ang ganda pala dito! “ sabi niya habang nasa bituin
             “ Mainit pala dito! Gusto ko pang mabuhay nang matagal” sabi niya habang nasa planetang Venus.
            “ Medyo kitang-kita pala ang daigdig kapag dito ka sa buwan.” Sambit ni Charon a naglalaro pa sa buwan.
                Naikot na niya ang kasulok-sulukang bahagi ng pitong kontinente, iba`t iba ding nilalang ang nakita niya sa paglalakbay, nakita din niya ang samu`t saring mga uri ng bulaklak, puno, at herbal na halaman. Maraming tao at mga hayop ang humanga at nagkagusto sa taglay niyang kagandahan. Maging ang ilang prinsipe sa ibang kaharian ay gusto siyang pakasalan.”
               “ Ang sarap talaga kapag may pakpak ka.. Magagawa mo ang gusto mo .” Ang nawiwiling sambit ni Charo Paru sa sarili.
                 Ilang buwan siyang namasyal ipinasya niyang bumalik muli sa Kaharian ng Alibalisingsing. Iba na ang nasa isip niya ngayon  “ Ang maangkin ang kaharian ng Alibalisingsing.” Sambit sa sarili.
                “Akin ang kahariang ito.” Ang sigaw ni Charo sa Ventanilla ng reyna.
               “ Ikaw pala Charo., nalibot mo na ang mundo, at sawang-sawa ka na. Hindi ba?” sabi ng reyna.
                “Akin ang kahariang ito!” ang muli niyang sambit na may kalakasan ng boses sabay lipad patungo sa korona ng reyna.
                 Sa matinding galit ng reyna ay ikumpas niya ang kamay at sumigaw  sa pamamagitan ng kakaibang wika “ Abra! E! umla di ado kabra!”   “ Booog!”  Bumagsak  biglang bumagsak si Charo Paru sa sahig ng palasyo. Hindi niya maigalaw  ang  buo niyang katawan. Nararamdan niyang nahihilo at masakit ang kaniyang dibdib.
                 “ Wala kang utang na loob Charo Paru! Inikot mo na ang lahat ng lugar sa buong daigidig, at gusto mo pang angkinin ang kaharian ko.. Nakalimutan mo na ako ang reynang makapangyarihan at anak ni bathala. Ubos na ang pasensya ko sa iyo Charo Paru!.” Ang galit na galit na sambit ng Reyna Linasya habang nanlilisik ang mga mata nito. Hindi na nakasalita si Charo Paru sa halip unti-unti niyang nararamdaman na lumiliit ang katawan niya, nagkakaroon siya ng mahahabang sanga sa ulo, naglalaho na pati ang kaniyang paningin, maging ang kaniyang dalawang paa. Ang pakpak niyang makulay katulad ng bahaghari ay nawala at napapalitan ito ng itim na itim na mantsa bilang simbolo ng kasamaan.
                   Ipinatawag ng reyna si Bonyok at Numsilak para ibalik ang damit sa manok ngunit tumanggi si Bonyok sa gustong mangyari ng reyna sapagkat nag-aalala siyang maging kagaya din ng ugali ni Charo Paru kapag nasuot ang kasuotan ng reyna. “ Matagal na po kaming  magkaibigan ni Numsilak Peacock at mahaba-haba na ang aming pinagsamahan dito sa kaharian. Ilalaan ko na lamang ito kay Numsilak Peacock.” Ang matamis na sabi ni Bonyok Manok sa reyna.
                    Nasiyahan muli ang reyna, dahil  sa ugali ni Bonyok na mapagbigay,  ginawa itong kanang kamay ng reyna na gigising sa  buong kaharian ng Alibalisingsing,  at si Numsilak Peacock nama`y ginawang tagapayo ng reyna. Ipinagkaloob din sa kaniya ang makulay na kasuotan ngunit binalaan ng reyna si Numsilak na bihira lamang itong ipapakita sa mga tao at sa mga hayop maging sa ibang mga dayuhan. Sinunod naman ito ni Numsilak Peacock
                    Samantala, hiniling pa rin ng dalawang kaibigan na si Charo Paru ay manatili sa hardin ng mga bulaklak. Doo`y walang tigil siya sa panunubok na mapitas muli  ang bulaklak upang maidikit sa sarili niya ngunit hindi na ito nangyari, hindi na rin siya nakakalakad kaya hindi siya makalapit sa mga kaibigan, sa mga tao at mga hayop ,sa halip  kapag  nakikita siya ng mga bata ngayo`y paglalaruan lamang siya  at ilalagay sa bote o kaya`y papatayin .
                      Ito ang  naging dahilan kung bakit mas makulay ang kasuotan ni Numsilak Peacock na hanggang ngayo`y nasa  kaniya pa rin , kung bakit tumitilaok ang manok araw-araw, at kung bakit hindi na makulay ang pakpak ni Charo Paru na lagi nalang nasa mga bulaklak na wari`y naglalahad ng pagsisisi at pagluha sa tuwing ito`y dadapo sa mga bulaklak.
                      Lumipas ang mahabang panaho`y naging bulung-bulungan at  alamat ang tungkol sa isang insekto na lumilipad at dumadapo sa mga bulaklak at halaman na ngayo`y tinatawag nating paru-paro, ang pangalang pinagmulan ni Charo Paru na isang itim na insekto.



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento