Martes, Pebrero 14, 2017

ISMOL KUHOL

Isinulat ni : Kenneth G. Dela Rosa

          Ipinarada  ng  tatlong magpipinsan  ang  kanilang mga  alagang  kuhol  sa  isang  maliit  na  piraso  ngunit may  kahabaang  kawayan  na  mayroon  langis na magpapadulas sa mga kuhol.

         “ Isa… dalawa… tatlo.. Go..!” Ang  malakas  na halakhakan   ng  mga  bata  habang  pinapanood  nila ang  mga  kuhol  na  nag-uunahang  makarating  sa may  puting  linya.

        “ Bilis, Adong.. Bilis!” Ang malakas na sigaw ni Boyet sa kanyang alagang kuhol.

         “ Kunti  nalang  Plakak,  malapit  na!” sigaw  ni Ayeng. Si  Plakak  Kuhol  kasi  ay  laging  nahuhulog  sa kawayan kung kaya`t tinawag ni Ayeng ito na Plakak.

         “ Bilisan mo naman Kinong!” Ang  naiinis  na sambit  ni  Tiboy  habang  nakikita  niyang  huling-huli sa  karera  si  Kinong.

          Ilang  saglit  pa`y  mabilis  na  nakarating  si Adong  sa  puting  linya,  sya  ang  nanalo  sa  karera  ng  ibang  kuhol.  Iba  ang  ginagawa  ng  mga  bata kapag  natalo  ang  kanilang  alaga,  aapakan  nalang nila  o  hindi  kaya`y  huhulugan  ng  malaking  bato upang  mapisa.

         “ Ha!  Ha!  Ha!  Ha,  makapagpalit  na  nga  ng bagong  kuhol.”  Sambit  ni   Ayeng  at  ni  Tiboy  habang  pinipisa  si  Plakak  at  Kinong.

         Walang  ibang  pinagkakaabalahan  ang magpipinsan  sa  farm  ni  Lolo  Tinong,  kung  kaya`t nabaling  ang  kanilang  atensyon  sa  mga  kuhol  sa gilid  ng  pilapil,  mahilig kasi  sa  tubig  ang  mga  kuhol  kung  kaya`t  madali  nalang  para  sa magpipinsan  para  makuha  iyon . Sa  mga  oras  na iyon  pinagmamasdan  ni  Lolo  Tinong  ang  mga  apo habang  siya`y  nagpapakain  ng  mga  manok  sa  halip na  ipagpatuloy  ay  inihinto  niya  iyon  at  naupo  sa lilim  ng  punong  mangga.

           “ Lolo  Tinong,  mukhang  malungkot  `ata  po  kayo,  may problema  ba?  Ang  nag- aalalang  tanong  ni  Ayeng  sa  kanyang lolo.

            “ Wala  apo  may  naalaala  lang  akong  kwento  eh!” Sabi  ni Lolo  Tinong.


        “ Teka  ng  pala  lolo,  mukhang  matagal-tagal  nyo  na  hindi  na kami  nakwekwentuhan  ah!”  Ang  sabi  ni  Tiboy.


        Naupo  rin  ang  magpipinsan  sa  lilim  ng  punong  mangga  at nakinig  ng  husto  sa  kanilang  Lolo  Tinong.

         Sa  isang  kaharian  sa  Kuholania  naninirahan  ang  mga samu`t  saring  mga  kuhol,  wala  pang  mga  bahay  ang  mga  kuhol noon  at  sila`y  mayroong  mga  paa  at  kamay  kagaya  ng  tao,.  Si Ismol  Kuhol  ay  may  kulay  gintong  balat  kaya`t  siya  ay  kakaiba sa  lahat  ng  mga  kuhol.  



           Maganda  ang  pagpapalaki  ng  mga  magulang  ni  Ismol Kuhol  sa  kanya,  tinuruan  siya  kung  paano  maging  masipag  na bata,  kung  paano  maging  mapagbigay  sa  kapwa,  at  maging matapat  sa  lahat  ng  oras.


            Sa  tapat  ng  kanilang  bahay  madalas  may  mga  batang naglalaro  sa labas ng kanilang bahay, lagi siyang inaanyayahan ng ibang batang  kuhol ngunit siya`y nagbabasa nalang ng mga libro  o hindi kaya ay tutulong sa kanyang mga magulang sa mga gawaing bahay.

          “ Nasasayang lang ang oras ko kapag ako ay maglalaro lamang.” Ang sambit ni Ismol Kuhol sa sarili.


         Sa kabila ng kasipagan at kabaitan ni  Ismol Kuhol ay may ugali siya na kakaiba, mahilig itong magtanong sa mga bata at maging sa matatanda.


“ Inay! Paano po nagawa ang bahay natin? Ang maang na tanong ni Ismol Kuhol sa ina.


“Ginagamitan iyan ng pako at panukat anak” Ang marahang na sagot ng ina ni Ismol Kuhol.


“Saan po nanggaling ang pako inay?” Ang muling tanong ni Ismol Kuhol.


“ Syempre anak galing iyan sa tinunaw  na bakal.” Ang sagot ng inang kuhol.

“ Sino po ang gumawa ng bakal inay?” Ang pangungulit na tanong ni Ismol Kuhol. Napangiti lamang ang inang kuhol at marahang niyakap ang anak .

“ Ang dami mo ng alam anak, halika`t tapusin na natin ang ating ginagawa.” Ang sambit ng inang kuhol.

      Marami pang tanong si Ismol Kuhol sa sarili at maging sa ibang mga tao sa kaharian ng Kuholania, kahit ang reyna ay hangang-hanga sa taglay nitong karunungan.
      Malimit niyang nitatanong ay tungkol sa science na paboritong –paborito niyang pag-aralan at basahin kapag matutulog na siya.

       Anong elemento mayroon sa loob ng araw?

       Pwede kayang tumira sa buwan?

       Gaano kalayo kaya ang Jupiter?

       Malamig kaya sa Pluto?

       Pwede kayang gamitin ang asteroid pambala sa tirador upang ako`y makakuha ng maraming ibon?

       Pwede kayang gamitin ang mga tala upang magkaroon ng ilaw sa loob ng bahay?



      Maraming  taon  ang  lumipas,  unti-unti  nagkakaroon  ng  mga `di  pangkaraniwang  pag-iisip  si  Ismol  Kuhol  kung  kaya`t  ipinasya  ng  reyna  siya  na  ang  papalit  na  maging  hari  sa Kaharian  ng Kuholania, sa kanyang pamumuno ay lalong naging magagaling at matatalino ang mamamayan sa kaharian, nagkaroon ng din ng maaayos na hanapbuhay ang mga kuhol.


Isang araw narinig na lamang ni Ismol Kuhol ang mga iyakan at pagmamakaawa ng mga kuhol. Dumanak ng mga dugo sa paligid ng kaharian at umaalingasaw ito kanyang bintana. Naglakas loob na bumaba si Ismol Kuhol para tingnan ang mga nangyayari , laking gulat niya ng makitang binubog-bog at kinakain ng mga halimaw ang ilang kuhol at maging ang kanyang nanay at tatay, gamit ang kanilang matatalas na ngipin at mga kuko.

Sa mga sandaling iyon, unti-unti pumatak ang luha ni Ismol Kuhol, lalo ng makitang gumagapang ang kanyang itay at inay sa lupa ng duguan. Maya-maya`y biglang bumuhos ang malakas na ulan.

 Lubos-lubos ang pagmamakaawa ng tatay niya at nanay niya, tumago na lamang siya, ngunit sa itaas ay naroon din ang isang halimaw. Kaya`t ng siya`y maabutan , binugbog siya ng walang tigil.

Iniwan ng mga halimaw ang mga kuhol ng patay at sugatan, ngunit nanalangin si Ismol Kuhol  sa Bathala.

“ Bathala nawa`y huwag nyo kaming pabayaang mga kuhol.” Ang pagsusumamo ni Ismol Kuhol.

Ilang araw pa`y dininig ni Bathala ang kanyang panalangin, nagkaroon ang mga kuhol ng matibay na balute sa likod upang hindi kainin ng mga halimaw, nawala din ang kanilang kamay at paa upang makatago sa balute sa oras ng panganib, kaya sa tuwing sumugod ang halimaw sa kanilang kaharian ay hindi nila makita o mahanap ang dating mamamayan ng mga kuhol, inakala ng mga halimaw na nakikita nilang tumpok-tumpok ay bato ngunit iyon ay mga kuhol na nagkukubli sa mga halimaw.

“Kaya mga apo kapag nakikita nyo rin may basa sa katawan ng kuhol ay hindi iyon laway kundi sila ay umiiyak sa sinapit ng kaharian ng Kuholania at maging sa kani-kanilang pamilya.” Ang dagdag na kwento ni Lolo Tinong na masaya.

Napatayo ang mga apo at nagpalakpakan sa kanilang narinig mula sa lolo nila `di maipinta ang aral na natutunan nila mula kay Ismol Kuhol, ngayon naiitindihan na nila ang ikinalulungkot ng lolo nila, ito ay tungkol sa pangangalaga sa mga kuhol.


Kaya kapag tuwing sasapit ang bakasyon hindi na pinaglalaruan ni Boyet, Ayeng , at Tiboy. Inilalaan na lang nila ang kanilang oras sa pagtulong sa farm ni Lolo Tinong at kapag nagpapahinga sila`y nagbabasa sa mga lumang kwento sa maliit na silid-aklatan ni Lolo Tinong.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento