Martes, Pebrero 14, 2017

ISMOL KUHOL

Isinulat ni : Kenneth G. Dela Rosa

          Ipinarada  ng  tatlong magpipinsan  ang  kanilang mga  alagang  kuhol  sa  isang  maliit  na  piraso  ngunit may  kahabaang  kawayan  na  mayroon  langis na magpapadulas sa mga kuhol.

         “ Isa… dalawa… tatlo.. Go..!” Ang  malakas  na halakhakan   ng  mga  bata  habang  pinapanood  nila ang  mga  kuhol  na  nag-uunahang  makarating  sa may  puting  linya.

        “ Bilis, Adong.. Bilis!” Ang malakas na sigaw ni Boyet sa kanyang alagang kuhol.

         “ Kunti  nalang  Plakak,  malapit  na!” sigaw  ni Ayeng. Si  Plakak  Kuhol  kasi  ay  laging  nahuhulog  sa kawayan kung kaya`t tinawag ni Ayeng ito na Plakak.

         “ Bilisan mo naman Kinong!” Ang  naiinis  na sambit  ni  Tiboy  habang  nakikita  niyang  huling-huli sa  karera  si  Kinong.

          Ilang  saglit  pa`y  mabilis  na  nakarating  si Adong  sa  puting  linya,  sya  ang  nanalo  sa  karera  ng  ibang  kuhol.  Iba  ang  ginagawa  ng  mga  bata kapag  natalo  ang  kanilang  alaga,  aapakan  nalang nila  o  hindi  kaya`y  huhulugan  ng  malaking  bato upang  mapisa.

         “ Ha!  Ha!  Ha!  Ha,  makapagpalit  na  nga  ng bagong  kuhol.”  Sambit  ni   Ayeng  at  ni  Tiboy  habang  pinipisa  si  Plakak  at  Kinong.

         Walang  ibang  pinagkakaabalahan  ang magpipinsan  sa  farm  ni  Lolo  Tinong,  kung  kaya`t nabaling  ang  kanilang  atensyon  sa  mga  kuhol  sa gilid  ng  pilapil,  mahilig kasi  sa  tubig  ang  mga  kuhol  kung  kaya`t  madali  nalang  para  sa magpipinsan  para  makuha  iyon . Sa  mga  oras  na iyon  pinagmamasdan  ni  Lolo  Tinong  ang  mga  apo habang  siya`y  nagpapakain  ng  mga  manok  sa  halip na  ipagpatuloy  ay  inihinto  niya  iyon  at  naupo  sa lilim  ng  punong  mangga.

           “ Lolo  Tinong,  mukhang  malungkot  `ata  po  kayo,  may problema  ba?  Ang  nag- aalalang  tanong  ni  Ayeng  sa  kanyang lolo.

            “ Wala  apo  may  naalaala  lang  akong  kwento  eh!” Sabi  ni Lolo  Tinong.


        “ Teka  ng  pala  lolo,  mukhang  matagal-tagal  nyo  na  hindi  na kami  nakwekwentuhan  ah!”  Ang  sabi  ni  Tiboy.


        Naupo  rin  ang  magpipinsan  sa  lilim  ng  punong  mangga  at nakinig  ng  husto  sa  kanilang  Lolo  Tinong.

         Sa  isang  kaharian  sa  Kuholania  naninirahan  ang  mga samu`t  saring  mga  kuhol,  wala  pang  mga  bahay  ang  mga  kuhol noon  at  sila`y  mayroong  mga  paa  at  kamay  kagaya  ng  tao,.  Si Ismol  Kuhol  ay  may  kulay  gintong  balat  kaya`t  siya  ay  kakaiba sa  lahat  ng  mga  kuhol.  



           Maganda  ang  pagpapalaki  ng  mga  magulang  ni  Ismol Kuhol  sa  kanya,  tinuruan  siya  kung  paano  maging  masipag  na bata,  kung  paano  maging  mapagbigay  sa  kapwa,  at  maging matapat  sa  lahat  ng  oras.


            Sa  tapat  ng  kanilang  bahay  madalas  may  mga  batang naglalaro  sa labas ng kanilang bahay, lagi siyang inaanyayahan ng ibang batang  kuhol ngunit siya`y nagbabasa nalang ng mga libro  o hindi kaya ay tutulong sa kanyang mga magulang sa mga gawaing bahay.

          “ Nasasayang lang ang oras ko kapag ako ay maglalaro lamang.” Ang sambit ni Ismol Kuhol sa sarili.


         Sa kabila ng kasipagan at kabaitan ni  Ismol Kuhol ay may ugali siya na kakaiba, mahilig itong magtanong sa mga bata at maging sa matatanda.


“ Inay! Paano po nagawa ang bahay natin? Ang maang na tanong ni Ismol Kuhol sa ina.


“Ginagamitan iyan ng pako at panukat anak” Ang marahang na sagot ng ina ni Ismol Kuhol.


“Saan po nanggaling ang pako inay?” Ang muling tanong ni Ismol Kuhol.


“ Syempre anak galing iyan sa tinunaw  na bakal.” Ang sagot ng inang kuhol.

“ Sino po ang gumawa ng bakal inay?” Ang pangungulit na tanong ni Ismol Kuhol. Napangiti lamang ang inang kuhol at marahang niyakap ang anak .

“ Ang dami mo ng alam anak, halika`t tapusin na natin ang ating ginagawa.” Ang sambit ng inang kuhol.

      Marami pang tanong si Ismol Kuhol sa sarili at maging sa ibang mga tao sa kaharian ng Kuholania, kahit ang reyna ay hangang-hanga sa taglay nitong karunungan.
      Malimit niyang nitatanong ay tungkol sa science na paboritong –paborito niyang pag-aralan at basahin kapag matutulog na siya.

       Anong elemento mayroon sa loob ng araw?

       Pwede kayang tumira sa buwan?

       Gaano kalayo kaya ang Jupiter?

       Malamig kaya sa Pluto?

       Pwede kayang gamitin ang asteroid pambala sa tirador upang ako`y makakuha ng maraming ibon?

       Pwede kayang gamitin ang mga tala upang magkaroon ng ilaw sa loob ng bahay?



      Maraming  taon  ang  lumipas,  unti-unti  nagkakaroon  ng  mga `di  pangkaraniwang  pag-iisip  si  Ismol  Kuhol  kung  kaya`t  ipinasya  ng  reyna  siya  na  ang  papalit  na  maging  hari  sa Kaharian  ng Kuholania, sa kanyang pamumuno ay lalong naging magagaling at matatalino ang mamamayan sa kaharian, nagkaroon ng din ng maaayos na hanapbuhay ang mga kuhol.


Isang araw narinig na lamang ni Ismol Kuhol ang mga iyakan at pagmamakaawa ng mga kuhol. Dumanak ng mga dugo sa paligid ng kaharian at umaalingasaw ito kanyang bintana. Naglakas loob na bumaba si Ismol Kuhol para tingnan ang mga nangyayari , laking gulat niya ng makitang binubog-bog at kinakain ng mga halimaw ang ilang kuhol at maging ang kanyang nanay at tatay, gamit ang kanilang matatalas na ngipin at mga kuko.

Sa mga sandaling iyon, unti-unti pumatak ang luha ni Ismol Kuhol, lalo ng makitang gumagapang ang kanyang itay at inay sa lupa ng duguan. Maya-maya`y biglang bumuhos ang malakas na ulan.

 Lubos-lubos ang pagmamakaawa ng tatay niya at nanay niya, tumago na lamang siya, ngunit sa itaas ay naroon din ang isang halimaw. Kaya`t ng siya`y maabutan , binugbog siya ng walang tigil.

Iniwan ng mga halimaw ang mga kuhol ng patay at sugatan, ngunit nanalangin si Ismol Kuhol  sa Bathala.

“ Bathala nawa`y huwag nyo kaming pabayaang mga kuhol.” Ang pagsusumamo ni Ismol Kuhol.

Ilang araw pa`y dininig ni Bathala ang kanyang panalangin, nagkaroon ang mga kuhol ng matibay na balute sa likod upang hindi kainin ng mga halimaw, nawala din ang kanilang kamay at paa upang makatago sa balute sa oras ng panganib, kaya sa tuwing sumugod ang halimaw sa kanilang kaharian ay hindi nila makita o mahanap ang dating mamamayan ng mga kuhol, inakala ng mga halimaw na nakikita nilang tumpok-tumpok ay bato ngunit iyon ay mga kuhol na nagkukubli sa mga halimaw.

“Kaya mga apo kapag nakikita nyo rin may basa sa katawan ng kuhol ay hindi iyon laway kundi sila ay umiiyak sa sinapit ng kaharian ng Kuholania at maging sa kani-kanilang pamilya.” Ang dagdag na kwento ni Lolo Tinong na masaya.

Napatayo ang mga apo at nagpalakpakan sa kanilang narinig mula sa lolo nila `di maipinta ang aral na natutunan nila mula kay Ismol Kuhol, ngayon naiitindihan na nila ang ikinalulungkot ng lolo nila, ito ay tungkol sa pangangalaga sa mga kuhol.


Kaya kapag tuwing sasapit ang bakasyon hindi na pinaglalaruan ni Boyet, Ayeng , at Tiboy. Inilalaan na lang nila ang kanilang oras sa pagtulong sa farm ni Lolo Tinong at kapag nagpapahinga sila`y nagbabasa sa mga lumang kwento sa maliit na silid-aklatan ni Lolo Tinong.

Sabado, Pebrero 11, 2017

SI SUPER KULAS AT ANG MAHIWAGANG TSINELAS Isinulat ni: Kenneth G. Dela Rosa


              Sa isang bayan wala pang pagkakakilanlan ay naninirahan si Nikulas sa isang liblib na puno ng acacia, gumawa siya ng isang maliit na tree house at pinapalamutian ito  ng iba`t ibang makukulay na nirecycle na mga basura at ilang mga painting na sariling likha niya. Ang tree house na ang naging tahanan ni Kulas, dito na rin siya lumaki kasama sina Indo Aso at Malina Pusa.

               Pagbabasura na ang naging buhay at pinagkikitaan ni Kulas, nagbebenta din siya ng mga lumang karton, bakal, bote,  at plastik sa isang junkshop ni Mang Isko, naging hilig na din niya ang komolekta ng mga lumang bagay upang gawing laruan at pwedeng magamit sa paghahanap-buhay ng mga tao. Ito ang naging dahilan kung bakit mabilis na umunlad ang bayan dahil sa imbensyong irigasyong patubig para sa mga tanim na gawa sa pinagdugtong-dugong na kawayan na likha mismo ni Kulas, lumikha din ng ilang laruang di-kahoy na para sa mga bata, at matutulis na bato na ginagamit sa pangangaso kaya si Kulas ay iniidolo ng lahat.

           Si Kulas ay nangangarap ding magkaroon ng sasakyan papunta sa ibang planeta at matuklasan ang nasa ibang lugar, mahilig kasi siyang pumunta sa dalampasigan kung kaya`t tinitingnan niya kung ano ang mayroon sa kabilang ibayo ng bayan nila.

          Isang araw nagulantang ang buong bayan ng sumugod ang mga pirata.Narinig naman ito ni kulas saglit niyang kinuha ang kawayan na may salamin at tiningnan niyaang ang mga pirata.kitang-kita ni kulas kung paano kamkamin ng mga pirata ang mga gamit at kayamanan ng mga tao. “Tulungan nyo kami”.Ang sigaw ng mga kababaihan.”Ibalik nyo sa amin lahat iyan”.sambit ng mga lalaki.Unti-unting pumatak ang luha ni ni kulas, muli bumalik kasi sa kanyang balintataw ang alaala ng kanyang magulang na walang awang pinagpapaslang ng mga ganid na pirata.Paano mo ba naman maipagtatanggol ang iyong sarili  kung mga baril at kanyon ang kanilang mga gamit,ilang minuto pa ang lumipas ay umalis na rin ang mga pirata, dali-daling pumunta si Kulas upang tulungan ang mga sugutan niyang kababayan.
               “ Salamat Kulas, Aray ko po!” ang sabi ng isang ginang habang ito`y ginagamot ni Kulas sa kaliwang baso.

             “ Mga walang hiya talaga ang mga piratang iyon, kiukuha nila ang mga bagay na hindi naman nila pinaghirapan.” Ang naiinis na wika ng isang lalaki.


           Awang-awa  si Kulas sa mga nasugatan at pamilya ng mga nasawi, naglaan din ang pinuno ng kanilang bayan ng mga makakain ,damit  , at mga gamit kapalit ng mga kinamkam ng mga pirata.

         
         Kinaumagahan habang naglalakad si Kulas sa isang maliit na iskinita galing kasi siya sa isang bakery para bumili ng mga tinapay at `di inaasahang makita niya ang isang matandang mababasura, umiiyak ito na tila napakalakas ng panaghoy. Saglit na bumalik sa balintataw ni Kulas ang bulung-bulungan tungkol sa matandang mambabasura, iniiwasan itong lapitan ng ilan dahil may mga bukol ito sa buo niyang katawan, at uusapan din na mayroon itong kapangyarihan na hindi maipaliwanag. Umpisa daw kasi na dumating ito sa nayon ay nagkaroon ng mga salot sa pananim at kabuhayan.

           Sa mga babalang iyon ay hindi nag-atubiling lapitan ni Kulas ang matanda  para  tulungan.
            “ Ginang, bakit po kayo umiiyak diyan? Ang nag-aalalang tanong ni Kulas.

            “ Iho, salamat sa pag-aalala mo.” Ang tugon ng babae.
             “ Kanina po kasi pagdaan ko ay nakita ko po kayong umiiyak.” Ang sabi ni Kulas.

           “Kinuha lahat ng mga pirata ang aking makakain at hanggang ngayo`y  hindi pa ako kumakain iho!” Ang pagmamakaawa ng matanda.
       “ A! ganun po ba? Ito po inay!” sabay abot ni Kulas ang lahat ng tinapay na nabili niya, at isang maliit na juice na nabili niya.

       “ Baka wala ka na iho!” ang sambit ng matanda.

       “ Ayos lang po iyon, bibili nalang po ulit ako.” Ang pangiting sabi ni Kulas.

          Aalis na sana si Kulas ng iabot ng matanda ang kakaibang tsinelas sa kaniya.

         “ Huwag na po inay!” ang sabi ni Kulas

        “ Tanggapin mo na iho!” Ang masayang alok ng matanda “ Para talaga sa iyo iyan, magagamit mo iyan upang maipagtanggol ang iyong bayan mula sa mga ganid na mga pirata.”  Ang sabi ng babae.

         Laking tuwa ni Kulas ng mahawakan ang tsinelas, agad niyang tiningnan ang disenyo nito.

       “ Sige gamitin mo iho! Tanging mabubuting tao lamang ang ililipad ng tsinelas na iyan.” Sabi ng matanda.

     “Talaga po?” ang  natutuwang tanong ni Kulas.

Agad isinuot ni  Kulas  ang tsinelas  na  bigay  ng matanda, unti-unting inaaangat siya ng tsinelas, at bigla itong nagsalita.

“ Kulas ikaw ang aking boss, saan mong gustong dalhin kita?” Ang natutuwang tanong  ng tsinelas sa kanya. Nagulat man si Kulas dahil ngayon lang siya makakaranas ng ganun, ang makitang nagsasalita ang tsinelas at inililipad siya mga lugar gusto niya.

Dinala si Kulas sa lahat ng planetang gusto niya. Maging sa ibang galaxy , at maging sa mga bituin.

Wala siyang masabi sa sarili ngayon kundi matuwa sa mga nakikitang tanawin.

Singapore

America

Australia


China


Italy


Lahat ng lugar na iyon ay kanyang napuntahan. Ilang oras pa ay bumalik sila sa kinaroroonan ng matanda, ngunit wala na roon ang matandang nagkaloob sa kanya ng tsinelas.

Maya-maya sa `di kalayuan ay nakarinig siya ng mga alingawngaw ng kanyon at mga putok ng baril, at maging mga taong sumisigaw, umiiyak, at humihingi ng tulong.

“ Halika na, tulungan na natin ang mga tao.” Ang nagmamadaling yaya ng tsinelas.
“ Ngunit kaibigan?” Ang nag-aalaangang wika nito.
“Magtiwala ka sa sarili mo, magtiwala ka sa akin. Sa iyo umaasa ang mga tao na ikaw ang pinadala ng Diyos upang tulungan sila sa mga pirata.” Ang sabi ng tsinelas sa kanya.
Agad humahagibis si Kulas kasama ang kanyang munting tsinelas.
“ Poog.. Poog.” 

“Baaag.. Baaag.”

“Poooonng… Poong”

“ Paakk.. Paakk.” Ang mga tunog sa mga tumitilapong pirata habang pinaglalaruan ni Kulas at ng kanyang tsinelas ang mga mukha at katawan ng mga ganid. Ilang oras nagkaroon ng labanan sa pagitan ni Kulas at  ng mga pirata, ngunit ng masilayan ng mga pirata na unti-unti na silang nalalagas, pinagpasyahan ng kapitan na umaatras.

“ Hooo! Mabuhay si Kulas.” Ang pagbibigay puri sa bayani.

Ilang bayan at kaharian ang nakabalita noon kaya wala ng nangarap na manakop at kumamkam ng mga yaman sa bayan ni Kulas, hanggang lumipas ang mahabang panahon ay naging tagapagtanggol ng bayang iyon si Kulas, nang pumanaw si Kulas ay inilibing ito sa ilalim ng bahay niya, ang usap-usap na tuwing gabi ay nagliliwanag iyon, sinapantaha ng ilan na iyon ang kanilang bayani na patuloy sa paggawa ng kabutihan sa kanila, minsan nama`y lumulutang ang tsinelas na waring naghahanap ng isang mabuting batang kagaya ni Kulas. Ang bayang iyon na walang pagkakakilanlang ay tinawag na San Nicolas bilang pag-aalala sa isang bayaning si Kulas.


         

Ang Pangarap ni Charo Paru at ang Makulay na Kasuutan Ni: Kenneth G. Dela Rosa

Ni:     Kenneth  G.  Dela  Rosa
                         Noong   unang  panahon  sa  kaharian  ng  Alibalisingsing  may  isang  kakaibang  puno  ng narra  kung  saan  nakatira  ang  tatlong  magkakaibigang  Bonyok  Manok,  Numsilak  Peacock,  At Charo Paru. Lahat  sila`y  kilalang-kilalang  sa pagpapalaki  ng  malawak  na  rantso  ng  mga  halamang  herbal at  mga  samu`t  saring  bulaklak.

                   Wala  pang  kulay  ang  balahibo  ng  mga  peacock  noon, ang  paru-paro  ay  hindi pa nakakalipad at tanging paa  lamang  ang  kanyang  ginagamit  sa  pagtatrabaho  sa  rantso,  ang  manok  nama`y  hindi  pa  nakakatilaok  at  ang  alam lang  nito  ay  ang  pagkanta ng malakas kapag nagtatrabaho.

                 Minsang  nangarap  si  Charo  Paru na  magkaroon  ng  pakpak  upang  mapabilis  ang  kaniyang  pagbubungkal  ng  lupa  at  pagdidilig  ng  mga  tanim, gusto  din  nitong  maangkin  ang  makulay  na  damit  ng Reyna  Maria  Linasya  para  maipasikat  niya  sa  mga  tao  at  mga  hayop “ Ano  ba ang  pangarap  nyong  dalawa? “  Ang tanong ni Charo Paru sa  dalawang kaibigan  habang  sila`y  nagtatanim  ng  oregano  at  lagundi.

                 “ Ang  magtanim  ng  mga  halamang  gagagamitin  sa  panggamot  sa  may karamdaman  nating  mamamayan” ang  masayang  sabi  ni  Bonyok  Manok  kay  Charo Paru.

                “Ayos  na  ako  sa  ganitong  buhay  kaibigan.”  dagdag  ni  Bonyok Manok.

               “ Eh!  Ikaw  kaibigang  Numsilak  Peacock,  mukhang  ang  tahimik mo  `ata  diyan?”  Ang  tanong  ni  Charo.

                “ Sapat  na  ako  ditong  nagbubungkal  at  nagdidilig  ng  halaman Charo  Paru,  higit  na  masisiyahan  ako  kapag  lumaki  ang  itinanim  ko  at  magamit  ang  mga  herbal  na  halaman  para  sa  maysakit.”  Saad  ni  Numsilak  Peacock  na  patuloy  sa  pagbungkal  ng  lupa.

                 “  Basta  ako!  Gusto  kong  maging  sikat, gusto  kong  libutin  ang mundo,  ang  mapagkalooban  ng   mga  malalapad  na  pakpak  upang  ilipad ako  sa  langit.  Gustong-gusto  kong  ikabit  ang  lahat  ng  bulaklak  sa  aking  katawan  at  tiyak  kong  hahangaan  ako  ng  mga  tao  at  hayop  sa  buong  sansinukob.”  Ang  sabi  ni  Charo  Paru  na  tila  bilib  na  bilib  sa sarili.

              Natahimik  ang  dalawa  sa  sinabi  ni  Charo  Paru. Iba  kasi  ang turo  ng  mga  magulang   ni  Numsilak  Peacock  at  Bonyok  na  hindi  kasikatan  ang  hahangaan  ng  mga  tao  kundi  ang  kabutihan  na ginagawa  ng  isang  tao.

             “ Basta  ako  Charo,  masaya  na  akong  nagtatanim  dito  sa  ating rantso ”  Ang  nakangiting  sabi  ni  Bonyok.
                “ Ganun din ako Charo, mahal ko ang rantsong ito.” Ang maang na sagot  ni Numsilak.

                 Napabuntong  hininga  si  Charo,  inis  na  inis  siya   sa  mga kaibigan  “ Bakit  ayaw  ba  nilang  mangarap  na  kagaya  sa  akin?  Ang lumipad  sa  iba`t  ibang  dako  ng  daigdig.  Ang  tingalain  ng  mga  tao  at mga  hayop”  Ang  sabi  nito  sa  sarili  habang  nagmamasid  sa  mga bulaklak.

                  Araw-araw  ay  laging  nagdadamit  si  Charo  ng  makukulay  na damit   at  idinikit  niya  ang  mga  bulaklak  sa  tela  nito.  May  gumamela, rosas,  sunflower,  at marami  pang  iba . “ Dapat sa lahat ng sulok ng damit ay mayroong bulaklak.” Ang saad ni Bonyok sa isip. Ibabandera kasi niya iyon sa buong kaharian at tinitiyak niya sa sarili  na iyon ang ikasisiya ng mga  tao at mga hayop .Maraming mga tao at  mga hayop  ang dumarating upang makita ang taglay niyang kagandahan sa suot nitong bulaklakin. Hindi kumukurap ang mga tao katititig sa damit ni Charo na may palamuting bulaklak.

              “ Ang ganda-ganda talaga ni Charo!” Ang tilian ng mga puting kabayo.
              “ Sana ikaw nalang ang nanay namin!” Ang sigaw ng mga biik.
              “ Ibang-iba ka talaga sa lahat Charo.” Ang sabi ng mga ibon.
             “ Charo! Charo! Charo! Charo!” Ang pagbubunyi ng mga tao kay Charo Paru.

               Isang araw magkakaroon ng paligsahan para sa nalalapit na pagdiriwang sa kaharian ng Alibalisingsing. Bibigyan ng karangalang ginto medalya, salapi, at ang makulay na kasuotan ng reyna kapag naabot ang puting tela sa madulas kawayang mayroong isang daang talampakan ang taas.

                Tanghali noon nang si Charo ay nagpasyang pumunta sa palengke. Bibili siya ng mga buto ng sunflower at ilang pananim sa rantso ng mapansin niya ang nakapaskil na anunsyo ng reyna. Ito`y patungkol sa paligsahan. Pinagmasdan niya itong mabuti.

                “ Aba Inang! May paligsahan pala ang Reyna Linasya. Gusto ko ding sumali diyan!”  Ang sabi ni Charo.
                 “ Oo naman, lahat  dito sa kaharian ay pwedeng-pwede  lumahok sa paligsahan.” Ang sagot ng tindera.
                 “ Kayo po? Nais nyo bang sumali? Ang alok ni Charo sa tindera. Napatawa ito ng malakas “ Ano ka ba naman Charo, matanda na ako at paakyatin pa ng mataas na kawayan, mapilayan pa ako” Ang sagot ng Tindera
                 Nagkibit-balikat nalang si Charo sa mga iminungkahi ng tindera. Dali-dali siyang umuwi para ilahad ang nabasa niyang anunsyo ng Reyna Linasya.
                  “ Hindi ko na hangad iyang damit Charo.” Sabi ni Numsilak.
                  “ Kuntento na ako dito” dagdag pa ni Bonyok habang nakahiga sa duyan.
                  Ilang araw ding nagtiyaga para mapapayag niya ang mga kaibigan para lumahok sa patimpalak. Nais kasi ni Charo Paru na sumali si Bonyok Manok dahil ito lamang ang nakakalipad sa kanila, ang tanging pag-asa niya para maukha ang makulay na kasuotan.

                  “ Sige sasali na kaming dalawa ni Numsilak.” Sambit ni Bonyok, alam kasi nitong magtatampo ang kaibigan kapag hindi napagbigyan ang hiling nito.

                 “Tiyak kong matatalo din ako sa paligsahan, sigurado kong si Bonyok ang makakakuha noon. Ibibigay niya iyon sa akin kapag hiniling ko.” Ang bulong ni Charo sa sarili. Unti-unti ng lumalalim ang gabi ngunit hindi makatulog si Charo sa kakaisip sa makulay na kasuotan ng reyna.

                “ Akin lamang iyon! Akin! Akin!” Ang napangiting sabi ni Charo na tila hindi pa dinadalaw ng antok sa kanyang higaan.

               Magbubukang-liwayway ng gumising si Charo, handang-handa na siya para sa makulay na kasuotan. Maaga pa ay naroon na sa palasyo ang tatlong magkakaibigan matiyaga silang nag-antay sa iba pang mga kalahok at mga manood. Maya-maya`y isa-isa nang dumarating ang mga katunggali na sila Beyang Chetaah, Browny Aso,  Nikulas Ahas, Balumbang Langgam, at Impong Ipis.

               Tumunog ang batingaw na gong, hudyat na iyon sa pagsisimula ng patimpalak, halos hindi mahulugang-krayom ang dami ng mga taong gustong mapanood ang pag-akyat sa madulas na kawayan. Isa-isa ng pumusisyon ang manlalaro sa tapat ng kawayan.

               “ Ihanda nyo na ang inyong mga sarili.” Sambit ng pinunong kawal ng palasyo.
              “ Isa… dalawa….. tatlo… Gooo” Ang malakas na sigaw ng pinunong kawal na sinabayan ng pagpalo sa malaking gong. Mabilis ang tibok ng puso ng bawat isa ngunit itong si Charo Paru ay nasisiyahan sa mangyayari sa paligsahan.
              Agad na kumapit si Beyang Chetaah sa kawayan, buong lakas at bilis siya sa pagtakbo ngunit ang nangyayari ay bumbagsak lamang siya sa lupa. Sinubukan nyang muli ngunit bumabagsak pa rin siya.
             “ Booog.” Ang pagbagsak ni Browny Aso. Nang makita ni Numsilak na maraming nahuhulog ay natakot siya kung kaya`t nagdesisyon na lamang siya na huwag ng umaakyat sa halip ay panoorin nalang niya and dalawang kaibigan.
             Nasa ikalimangpu`t dalawang talampakan na si Impong Ipis at Balumbang Langgam nang `di sinasadyang umihip ang malakas na hangin, natangay sila pa ibaba, at isa muling malakas na “ Boooog! “  “Booog!” ang narinig ng mga tao.Sabay-sabay bumagsak ang ipis at langgam sa lupa. Dadalhin sana sila sa malapit na paggamutan ngunit idineklarang patay sina Impong Ipis at Balumbang Langgam.
                 “ Hindi ako natatakot! makuha ko lamang ang telang puti na iyan, mapapasa akin ang makulay na kasuotan ng reyna. Ha! ha! ha! ha!” Ang malakas na sigaw ni Charo Paru  sa itaas ng kawayan.

                “Sige Charo! Sige! Huwag kang susuko.” Ang malalakas na sigawan ng mga tao na sumusuporta sa kanya.
 
              Nasa ika tatlumpu`t isang talampakan na si Charo Paru ng makaramdam siya ng pananakit ng tuhod at kalamnan, naririnig pa rin niya ang sigaw ng mga tao. Sumasakit na rin ang kaniyang tiyan dahil sa patuloy na pagdausdos pataas sa madulas na kawayan.
             Ilang Segundo pa ay “ Boooooog” isang muling malakas na lagabog sa lupa . bumagsak si Charo Paru na napapangiwi ito sa sakit na nararamdaman, tila hindi siya makahinga at walang boses na lumalabas sa bibig niya, nakatulala lamang ang mga tao at mga hayop sa kanilang nakita dahil ang kanilang iniidolo ay bumagsak sa lupa.
          “ Aray ko po!” Ang nakakapangilabot na sigaw ni Charo, dali-daling tumakbo si Numsilak Peacock patungo kay Charo upang lapatan ng lunas ang nabaling-braso  at mga sugat nito
            “ La! Lalalalala! La lalala! “ Ang isang napalakas na awit ni Bonyok Manok habang nakatayo sa maliit na sangang-kahoy, nabaling ang tingin ng mga tao kay Bonyok Manok, ipinagaspas niya ang knyang pakpak na nag-aatubiling lumipad patungo sa puting tela, tumingala siya sa himpapawid na waring `di alintana ang mangyayari. Napipilitan man siya ay gagawin niya iyon para sa kaibigan. Ilang saglit pa`y lumipad paitaas si Bonyok Manok at lumampas pa sa mataas na kawayan, umabot ito sa ulap na tila tuldok nalang kapag titingnan ng mga tao at mga hayop sa ibaba.
         “ Tingnan ninyo oh! Hindi na mkita si Bonyok. Kahanga-hanga si Bonyok! Papaano siyang makakapunta doon? napakalakas ng hangin sa itaas, kahit ang guryon ko ay nasisira sa lakas ng hangin!.” Ang bulong ng isang mangangasong lalaki.
            “ Panalo na si Bonyok! Panalo na!” ang sigawan ng mga manonood.
          “ Mabuhay si Bonyok! Sigaw ng mga hayop.
          “ Mabuhay!”     Ang sigaw muli ng mga tao. Maging ang reyna at ilang kawal ay napabilib sa ipinakitang husay ni Bonyok Manok.
            Nagwagi si Bonyok Manok. Ipinasuot sa kaniya ng Reyna Linasya ang pinakamakulay at pinakamahal na kasuotan sa daigdig na matagal nang inaasam ni Charo Paru. Ibinigay din ng reyna ang mga salaping premyo sa pagkapanalo ni Bonyok, pinagawaan pa siya ng monumento bilang pagkilala sa kanyang katapangan sa ere.
             Tuwang-tuwa si Numsilak Peacock sa pagkakapanalo ng kaibigang manok ngunit tila may lihim na naman na sama ng loob si Charo Paru dahil sa tanyag na ito sa kaharian ng Alibalisingsing ay nakakalipad pa “ Darating din ang araw na magkakaroon ako ng pakpak.” Ang bulong sa sarili. Ilang araw pa ay nagkasakit nang malubha si Charo Paru naging matamlay ito, at kapag nakikita niya ang kasuotan ng reyna ay naghihilakbot ang kaniyang puso. Hindi din nito pinapansin ang dalawang kaibigan.
             Pinasyahan ni Bonyok Manok na ipagkaloob ang makulay na kasuotan sa kaibigan dahil ito lamang ang pinagmulan ng pagkakasakit ng kaibigan si Charo Paru, ngunit kailangan munang ipaalam niya ito sa Reyna Linasya.
         “ Magandang araw sa inyo mahal na reyna!” Ang sabay-sabay na bati ng magkakaibigan.
        “ Ano ang sadya ninyo dito sa aking kaharian? “ Ang nagtatakang tanong ng reyna.
        “ Nais ko po sanang sabihin sa inyo mahal na reyna na ibibigay ko po itong makulay na kasuotan sa aking kaibigang si Charo Paru.” Ang sagot ni Bonyok Manok.
         “Hindi iyon maaari Bonyok,ikaw ang nagwagi sa patimpalak sa pag-akyat sa madulas na kawayan. Hindi Ba? “ Ang sabi ng reyna.
          “ Ikamamatay po kasi ng aking kaibigan kapag hindi iyon maging kanya.” Ang sambit ni Bonyok Manok. Pinagmasdang mabuti ng Reyna ang mukha ni Charo Paru na matamlay ang mukha at nakatulala lamang sa iisang lugar.
           “ Isa kang mabuting kaibigan Bonyok Manok. “ Ang natutuwang sabi ng reyna.
            Ipinasuot ng reyna kay Charo ang makulay na kasuotan, hiniling din nito na gawin na lamang pakpak iyon para siya ay makalipad at mapabilis ang pagtatrabaho sa malawak na rantso. Hindi nagdalawang isip ang Reyna Linasya na ipagkaloob ang hiling nito. Muling bumalik ang sigla ni Charo Paru, mabilis niyang natatapos ang mga gawain sa rantso, ikinatuwa naman ito ng dalawang kaibigan.  
           Kinabukasan nagpasya si Chato Paru na umalis ng walang paalam , lilibutin niya lahat ng gusot niyang marating. Tumingala siya sa ulap, ibinuka ang makulay na  pakpak at lumipad ng mataas sa kalawakan. Iniikot niya ang paningin , nakita niya ang maniningning na tala at mga planeta. Lumipad muli siya upang marating ang bituin.
             “ Ang ganda pala dito! “ sabi niya habang nasa bituin
             “ Mainit pala dito! Gusto ko pang mabuhay nang matagal” sabi niya habang nasa planetang Venus.
            “ Medyo kitang-kita pala ang daigdig kapag dito ka sa buwan.” Sambit ni Charon a naglalaro pa sa buwan.
                Naikot na niya ang kasulok-sulukang bahagi ng pitong kontinente, iba`t iba ding nilalang ang nakita niya sa paglalakbay, nakita din niya ang samu`t saring mga uri ng bulaklak, puno, at herbal na halaman. Maraming tao at mga hayop ang humanga at nagkagusto sa taglay niyang kagandahan. Maging ang ilang prinsipe sa ibang kaharian ay gusto siyang pakasalan.”
               “ Ang sarap talaga kapag may pakpak ka.. Magagawa mo ang gusto mo .” Ang nawiwiling sambit ni Charo Paru sa sarili.
                 Ilang buwan siyang namasyal ipinasya niyang bumalik muli sa Kaharian ng Alibalisingsing. Iba na ang nasa isip niya ngayon  “ Ang maangkin ang kaharian ng Alibalisingsing.” Sambit sa sarili.
                “Akin ang kahariang ito.” Ang sigaw ni Charo sa Ventanilla ng reyna.
               “ Ikaw pala Charo., nalibot mo na ang mundo, at sawang-sawa ka na. Hindi ba?” sabi ng reyna.
                “Akin ang kahariang ito!” ang muli niyang sambit na may kalakasan ng boses sabay lipad patungo sa korona ng reyna.
                 Sa matinding galit ng reyna ay ikumpas niya ang kamay at sumigaw  sa pamamagitan ng kakaibang wika “ Abra! E! umla di ado kabra!”   “ Booog!”  Bumagsak  biglang bumagsak si Charo Paru sa sahig ng palasyo. Hindi niya maigalaw  ang  buo niyang katawan. Nararamdan niyang nahihilo at masakit ang kaniyang dibdib.
                 “ Wala kang utang na loob Charo Paru! Inikot mo na ang lahat ng lugar sa buong daigidig, at gusto mo pang angkinin ang kaharian ko.. Nakalimutan mo na ako ang reynang makapangyarihan at anak ni bathala. Ubos na ang pasensya ko sa iyo Charo Paru!.” Ang galit na galit na sambit ng Reyna Linasya habang nanlilisik ang mga mata nito. Hindi na nakasalita si Charo Paru sa halip unti-unti niyang nararamdaman na lumiliit ang katawan niya, nagkakaroon siya ng mahahabang sanga sa ulo, naglalaho na pati ang kaniyang paningin, maging ang kaniyang dalawang paa. Ang pakpak niyang makulay katulad ng bahaghari ay nawala at napapalitan ito ng itim na itim na mantsa bilang simbolo ng kasamaan.
                   Ipinatawag ng reyna si Bonyok at Numsilak para ibalik ang damit sa manok ngunit tumanggi si Bonyok sa gustong mangyari ng reyna sapagkat nag-aalala siyang maging kagaya din ng ugali ni Charo Paru kapag nasuot ang kasuotan ng reyna. “ Matagal na po kaming  magkaibigan ni Numsilak Peacock at mahaba-haba na ang aming pinagsamahan dito sa kaharian. Ilalaan ko na lamang ito kay Numsilak Peacock.” Ang matamis na sabi ni Bonyok Manok sa reyna.
                    Nasiyahan muli ang reyna, dahil  sa ugali ni Bonyok na mapagbigay,  ginawa itong kanang kamay ng reyna na gigising sa  buong kaharian ng Alibalisingsing,  at si Numsilak Peacock nama`y ginawang tagapayo ng reyna. Ipinagkaloob din sa kaniya ang makulay na kasuotan ngunit binalaan ng reyna si Numsilak na bihira lamang itong ipapakita sa mga tao at sa mga hayop maging sa ibang mga dayuhan. Sinunod naman ito ni Numsilak Peacock
                    Samantala, hiniling pa rin ng dalawang kaibigan na si Charo Paru ay manatili sa hardin ng mga bulaklak. Doo`y walang tigil siya sa panunubok na mapitas muli  ang bulaklak upang maidikit sa sarili niya ngunit hindi na ito nangyari, hindi na rin siya nakakalakad kaya hindi siya makalapit sa mga kaibigan, sa mga tao at mga hayop ,sa halip  kapag  nakikita siya ng mga bata ngayo`y paglalaruan lamang siya  at ilalagay sa bote o kaya`y papatayin .
                      Ito ang  naging dahilan kung bakit mas makulay ang kasuotan ni Numsilak Peacock na hanggang ngayo`y nasa  kaniya pa rin , kung bakit tumitilaok ang manok araw-araw, at kung bakit hindi na makulay ang pakpak ni Charo Paru na lagi nalang nasa mga bulaklak na wari`y naglalahad ng pagsisisi at pagluha sa tuwing ito`y dadapo sa mga bulaklak.
                      Lumipas ang mahabang panaho`y naging bulung-bulungan at  alamat ang tungkol sa isang insekto na lumilipad at dumadapo sa mga bulaklak at halaman na ngayo`y tinatawag nating paru-paro, ang pangalang pinagmulan ni Charo Paru na isang itim na insekto.